Habang ang karamihan ay nagsisiuwi sa kanikanilang lugar upang bisitahin ang puntod ng kanilang mga yumaong mahal, kami’y nasa bahay lamang. Dahil sa kalayuan at gastos papuntang Abra, dito nalang namin pinagdadasal at inaalala ang aking namayapang ama. Ngunit, dalawang taon na ngayon, may dinadalaw na ako sa may sementeryo dito sa amin. Lumisan na rin kasi ang isa sa matalik kong kaibigan. Kaming magbabarkada ay magkikita-kita upang dalawin ang kanyang himlayan mamaya.
Ngunit kagabi, pagkabukas ko ng Facebook, tumambad sa akin ang post ukol sa kanyang blogsite. Hindi ko na nagawang maging tagasunod nito dahil wala na siya nung magdesisyon akong gumawa ng sarili kong account. Sa totoo lang, siya rin ang dahilan kung bakit ko ito ginawa. Nasabi nya sa akin noonsa mga huling usapan namin sa text, “Isulat mo ‚yan, kapag nakakaramdam ka ng matinding emosyon.“ At noong nawala nga siya, kung saan lubos kaming nalungkot at napuno ng halo-halong emosyon ang aming buhay, naalala ko ang kanyang payo. Habang binabasa ko ang kanyang isinulat, tila naririnig ko siyang binibigkas ang mga titik nito. Hindi ko matagalan, kaya’t di ko na tinapos. Akala ko, ayos na ang lahat, ‚di pa rin pala maiiwasang dalawin ng bahagyang kirot. Bakit nga naman hindi, isa siya sa itinuturing kong kapatid at idolo sa pagsusulat.
Pagkabalik ko sa Facebook, napukaw naman ang aking atensyon ng isang post ng naglalaman ng video. @Jun Guilalas: A video made by Jason Cruz of IV-Balagtas 08-09. Napabalik ako upang panoorin ito na akala ko’y isang videomaker ang estudyante ni Sir. Kilala ko ang lalaking laman ng video, ngunit bakit pasasalamat at pagkamiss ang nababasa ko sa pagitan ng mga larawan. Muli kong binasa ang shoutout ni Sir Guilalas: A video made for Jason Cruz of IV-Balagtas 08-09. Napapitlag ako at kinilabutan. Dahil ang lalaking ito ay kilala ko sa mukha.; taga-rito lang siya sa amin at ilang beses ko na siya nakakasalubong. Ang rinig ko sa kanya noong una ay may pagkamayabang siya; meron kasi silang ‘di pagkakaintindihan noon ng mga kakilala ko na kasamahan niya sa simbahan. Minsan ko na rin siyang nakitang maglaro ng volleyball noong nagpapraktis kami ng sayaw sa Pleasant noong isang taon. Ang alam ko nga, doon siya sa Siena nag-aaral at batay sa mga litrato na nasa video, sumali pa siya sa isang pageant dito. Ngunit, ano naman sa akin ngayon? …Hindi ko rin alam, naapektuhan ako sa balitang ito. Sa ilang beses ko siyang nakita, ‘di maaninagan na meron siyang sakit na Leukemia. Sa pagtatagpi-tagpi ko ng mga nalalaman ko ukol sa kanya, masasabi ko na isa siyang aktibong bata at masaya sa kanyang mga gawain---pansimbahan, volleyball, pageant o ano pa man. Nababakas ‘yun sa kanyang mukha. Ang akala ko, immune na ko sa ganitong pangyayari at sa panghihinayang na kaakibat lalo na sa mga mga bata, noong namatay ang aking kaibigan. Kaninang umaga, binalita ng aking ina, na sa plaza ibinurol ang kanyang labi- di hamak na malapit sa amin. Hindi ko alam, pero tila may nagsasabing pumunta ako doon at makiramay. May ilan akong kaibigan na malapit sa kanya, at masasabi kong, batid ko ang lungkot na nararamdaman nila, hindi man eksakto na katulad ng naramdaman ko noon. For a young person with so much for life-celebrating life and lived it to the fullest na katulad niya at ng aking kaibigan, sinong hindi manghihinayang at maantig. Haay, panahon nga ngayon ng mga kaluluwa na nagpapaalala sa atin.
Kelan lang, nakasakay ako sa isang roller coaster; wala akong direksyon, magulo ang isip na sinasabayan ng ilang di magagandang pangyayari. Nanghina, nagkasakit hanggang sa nagpadoktor. At minsa’y nagimbal na magkaroon ng pareho niyang sakit dahil sa abnormal na taas ng aking WB. Buti na lang naging normal ito noong sumunod kong pagpapacheck-up. Simula noon, nakapag-isip ako at nakita ang kagandahan ng buhay. Maraming biyayang binibigay sa atin ng Maykapal, higit na dahilan upang hindi tayo mawalan ng pag-asa. Bagama’t tinakda na ng Diyos ang ating buhay, nasa sa atin pa rin kung paano natin ito tatahakin. Katulad nila na nabuhay ng masaya at makulay; walang anumang panghihinayang, sila man ay lumisan na. Kaya’t ang pinakamabuting pag-alaala sa ating mga mahal ay kapulutan ng aral ang kanilang naging buhay upang maging gabay sa ating tahakin dito sa mundo. ‘Di maaalis ang panghihinayang at pagkalungkot sa kanilang pagpanaw, pero higit na masalimuot kung sa buhay natin mismo, tayo ay magdusa at manghinayang sa pagkakataong ating pinakawalan na mabuhay ng mas masaya at ayon sa kagustuhan ng Diyos.
Naalala ko, may lakad pa pala ako mamaya bilang pag-alaala. =)